KAPALIGIRAN KO, RESPONSIBILIDAD KO!
Bago ko umpisahan ang aking talakayan
Gusto ko munang bumati ng magandang araw sa mga nakikinig ng masinsinan
Di man kagwapuhan ang nasa inyong harapan
Sana’y inyong pakinggan ang mga katagang nasa aking puso’t isipan
Kung inyong mamarapatin, isang hiyawan naman diyan
At isang masigabong palakpakan, pampagana lang.
Sino dito sa inyo ang nakaranas nang maiwan?
Mga taong pagkatapos pakinabangan ay agad kinalimutan?
Mga nagmahal, nasaktan, nag move-on, naging bitter ang kinalabasan
Mga takot ng umibig dahil sawa ng masaktan
Mga nagsasabing may forever pero sa huli naging luhaan
‘Yan tayo eh! Nakakarelate tayong lahat ‘pag pagmamahal na ang pinag-uusapan
Eh wala naman tayong pakialam kung pagmamahal kay Ina ang pagkakaabalahan
Hindi natin napapakinggan ang nakakabinging katotohanan
Na tayo mismo ang sumisira sa ating kalikasan
Hindi natin namamalayang si Inang Kalikasan ay nasasaktan at nauuwing luhaan.
May ginintuang puso si kalikasan
Hinahayaan niya lang tayong magputol ng puno sa kabundukan
Hindi siya nagrereklamo tuwing nagtatapon ng basura kung saan-saan
Kung angf kemikal ng mga establisyemento’y natatapon sa ilog at karagatan
Kung sinusunog natin ang mga plastik sa ating bakuran
Kahit iniisip lang natin ang ating sariling kapakanan
Umuunlad tayo habang siya’y nasa likuran na ating binabalewala kahit nasa atin na mismong harapan
Nagtatanong kung kailan natin maaalala ang kaniyang kahalagahan.
Ang problema kasi sa sangkatauhan
Hindi tayo nakukuntento sa isahan, gusto natin pang-dalawahan
Malibog tayo sa pagsira ng kalikasan
Hindi lang kasi isang puno ang tinitira ng karamihan
Kaya naman daw ipagsabay ang dalawa, tatlo
Bakit pa maging stick-to-one?
Si kalikasan marunong magtiis ng sakit
Pagkat sa larangan ng pag-ibig, natatanggap niya’y pait
Oo, mahal tayo ni Inang kalikasan
Ngunit ang pagmamahal ay naglalaho din naman, diba?
Kaya nagkakaroon ng bagyo, lindol, baha, pagguho ng lupa
Para satin ay ipaalam ang kahalagahan niyang ating kinalimutan
Matututunan na hindi sa lahat ng oras ay tayo ang nangangailangan
Pagkat unti-unti ng nalulunod sa kumunoy si Inang Kalikasan
Akala kasi natin, tayo lang dapat ang inaalagaan
Siya yung mas nangangailangan ng pag-alaga’t pagkalinga na dapat nating ginagampanan
Ngayon, nasa kamay natin ang pagbabago
Kung hindi ako, hindi ikaw, hindi sila, sino?
Kung lahat tayo’y maging sakit ng mundo
Sino ang aaksyon, sino ang magiging instrumento?
Tayo na at bumiyahe patungo sa pagbabago
Kung hindi tayo maghahanap ng solusyon
Anong mangyayari sa susunod na henerasyon?
Huwag nating sayangin ang pagkakataon
Sapagkat malapit ng maubos ang oras at panahon
Magugunaw na rin ang kahariang inihandog ni Panginoon
Mapapayo ko lang, huwag puro lovelife ang isipin
Hindi ba kayo napapagod na masaktan ng paulit-ulit?
Kaya tayo ng maglakbay at magtanim sa kabundukan
Tayo ng magligpit ng basura sa tamang lagayan
Tayo ng magtipid ng tubig sa ating mga tahanan
At maging mabuting halimbawa sa ibang mamamayan
Patunay na tayo ang pag-asa ng bayan
Tayo ang pag-asa ni Inang Kalikasan
Sana maubos na ang kasakiman ng tao
Maging responsable at gumawa ng tama sa mundo
Maging bayani sa simpleng pamamaraan mo
Kaya ikaw, ako, sila, tayo
Maging instrumento ng pagbabago
Taas noong ipagsigawan ang mga katagang
Kapaligiran ko, Responsibilidad ko!